Ako ay parang isang paru-paro. Bawat araw ay nagpapanibagong hubog. Nuon, ang mundong aking nililiparan ay umiikot lamang Sa aking pamilya, simbahan, at eskwela Ngunit sa paglaon, nabatid ng aking puso’t isipan na Ako ay kabahagi ng mundong ito. Sa proseso ng paglago ko bilang tao, Bilang paru-parong nangahas na lumipad sa maraming sulok ng mundo, Natuklasan kong ang mundo ay magkabilaan. Sa aking paglipad, napagtanto kong… …May liwanag at dilim …May mahina at malakas …May maraming naghihirap at kakaunting yumayaman …May mga alipin at makapangyarihan …May pula at dilaw At mula sa maraming pagtutunggali at paglalaban sa mundo Sa maraming magkabilaan nito.. Hindi lamang pala sapat na lumipad ako sa sulok na nagbibigay ng kapahingahan at kasaganahan lamang tulad ng sa aking pamilya, simbahan at eskwela Sa kasalukuyan, sinisikap kong lumipad sa realidad ng mundong ito Na punong puno ng magkabilaan, tunggalian at labanan Batid kong maaaring masaktan ako sa aking paglipad Ngunit mangahas kong idadampi ang aking sarili Sa hangin, lupa, apoy, tubig.. Upang lumipad at lumikha ng mundong mas kaaya-aya Dahil minsan pa.. Sa aking pagtutuklas, pagsusuri, pagtatasa at pagpapasiya Nangarap akong lumipad sa isang paraiso Paraisong puno ng kasaganahan, at kaligayahan Tanging hinihingi mula sa paru parong tulad ko At sa maraming paru parong tulad ninyo Ay magsuri at magpasiya. Pumanig. Magpanday ng sarili. At patuloy na lumipad upang magpanibagong hubog Magpanibagong hubog upang maging bahagi rin ng pagpapanibagong hubog ng mundong ito patungo sa paraisong iyon.
| |||||||||||||||||||
|
| ||||||||||||||||||


